Panginoon, Iligtas mo ako!
by Andrew Domingo
August 13, 2017
August 13, 2017
Ito ang isinigaw ni Pedro nang lumubog siya sa tubig sanhi ng kanyang takot.
Okay na sana eh, nakakapaglakad na si Pedro sa tubig tulad ni Hesus. Kaso nga lang, natakot siya - natakot siya sa malalakas na hampas ng hangin.
Kung ating susuriin, ang labo ni Pedro. Imposible sa ating mga tao na maglakad sa ibabaw ng tubig. Ngunit ginawa ito ni Hesus at binigyan niya rin ng lakas si Pedro na magawa ito. Mula sa imposible, ginawa niyang posible. Kung ganoon ang naranasan mo, bakit ka pa matatakot sa isang malakas na hangin?
Ang eksenang ito sa ebanghelyo ay maihahalintulad natin sa ating buhay mananampalataya. Madalas na ang nilalaman ng ating panalangin ay mga panalangin na sana - sana maging ganito, sana maging ganyan. May mga sandaling sinusubok natin ang ating Panginoon sa ating mga “Kung talagang ikaw ay Diyos…” Hindi ba’t ito ang linyahan ng isa sa mga kriminal na kasama niyang nakapako sa krus?
Kapag tayo ay nalulugmok na sa mga paghihirap natin sa buhay, lumalapit tayo sa kanya. Maraming kahilingan, maraming hinaing. May mga pagkakataon na tayo ay napupuno ng galak at saya kapag ang ating mga panalangin ay sinasagot. Sa mga ganitong sandali, tayo ay nagkakaroon ng karagdagang pagtitiwala at pananampalataya sa kanya.
Pagkatapos ng isang problemang nasolusyonan, may iba pang mga unos na darating. Sa mga ganitong pagkakataon nasusubok ang ating pananampalataya at pagtitiwala. Oo, kasama na natin si Hesus na naglalakad, ngunit katulad ni Pedro, tayo ay dumarating sa punto ng pagkatakot, pagdududa, at pag-aalinlangan.
“Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
Lumulubog tayong muli.
Dumarating ang mga sandali na tayo ay kinakapos sa pagtitiwala sa Kanya. Muli nating isisigaw ang ating panalangin, “Panginoon, iligtas mo ako!” At katulad ng nasusulat sa ebanghelyo, “Agad na iniunat ni Hesus ang kanyang kamay at hinawakan siya.”
Mga kapatid, hindi tayo pababayaan ni Hesus sa kabila ng ating mga pagkukulang. Ang ating relasyon kay Hesus ay lagi nating pagtibayin sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, pagninilay, at pagtulong sa ating kapwa. Pagtibayin rin natin ang relasyon sa ating mga kasama sa buhay. Sama-sama tayong maglakad sa ibabaw ng mga hamon sa buhay. Kapag may lumubog, iabot natin ang ating mga kamay sa kanya at tulungan siyang makaahon muli. Nawa’y umusbong pa ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.
Na sa lahat ng bagay, ang Diyos ay papurihan!