Disiplina at Kababaang-loob
Agosto 21, 2016
Ni Nuvi Maecy Dela Cruz
Ni Nuvi Maecy Dela Cruz
Dibuho ni Dominic Dimapawi
“Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapasok...Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli”.
Ang mga pagbasa ngayong linggo ay nakatuon sa pagpapakumbaba at disiplina. Mula sa kakayahan natin upang magpakumbaba sa ating kapwa hanggang sa abilidad natin upang disiplinahin ang ating mga sarili para sa Diyos.
Pinapaliwanag sa atin ng pagbasa na hindi sa lahat ng panahon ay makararanas tayo ng kaginhawaan at kagalakan sapagkat ang tao ay nadarapa at nagkakamali rin. Katulad ng nakaayon sa Ebanghelyo, kailangan nating magsumikap na makapasok sa makipot na pintuan, gaano man ito kahirap dahil ang pangakong pag-asa na “may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli”.
Ang ninanais na kaligtasan ay hindi lamang sa loob ng simbahan kundi sa ating pagkilala at pagsunod kay Hesus. Kasama rito ang ating kahandaan na makaranas ng hirap at mahuli upang makapaglingkod sa ating kapwa.
At sa mga panahon na tayo ay nalilihis, nandiyan ang ating maawain na Ama upang tulungan at gabayan tayo para ma-disiplina at makabalik sa kanya. Sa simula ma’y parang walang kaginhawaan ang ating nararanasan sa pagtutuwid ng ating kamalian, ngunit ang bunga nito’y kapayapaan at kaligayahan sa piling ng Diyos.
Si Nuvi Maecy Dela Cruz and Tagapagpaganap na Pangalawang Pangulo sa Pax Romana AB.
Siya ay kasulukuyang nasa ikatlong taon sa kursong Agham Pampulitika.